BSKE postponement may sapat na basehan – PBBM

BSKE postponement may sapat na basehan – PBBM

October 21, 2022 @ 4:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Todo-depensa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang naging desisyon na tintahan ang batas na naglalayong ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na nakatakda sanang idaos ngayong Disyembre 2022.

Hayagan kasing pinalagan at kinuwestiyon ni election lawyer Romulo Macalintal ang desisyon ng Pangulo kung saan naghain pa ito ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling na ipawalang bisa ang Republic Act (RA) 11935 na nagpapaliban sa barangay at SK elections at idaos sa Oktubre 2023.

Ani Pangulong Marcos mayroong “sufficient precedent” o sapat na basehan para sa pagpapaliban ng halalan.

“Well, we have sufficient precedent for the postponement of barangay and SK elections. Nakailan na tayo. In my time lang in government, I have seen I think four, maybe five postponements,” ayon sa Pangulo sa isang panayam sa Manila Hotel.

Ito na ang pang-apat na pagpapaliban sa BSKE simula 2016.

Matatandaang tatlong batas ang pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na naglalayong ipagpaliban ang BSKE.

Sa ulat, isang petisyon ang inihain ni Atty. Macalintal.

Nakasaad dito na walang kapangyarihan ang Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon na mag-postpone ng barangay elections o palawigin ang termino ng panunungkulan ng barangay officials.

Aniya, nasa eksklusibong hurisdiksyon ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapaliban ng halalan sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Ayon pa kay Macalintal, hindi pinapayagan sa Saligang Batas na magtalaga ang Kongreso ng mga halal na opisyal.

Ang karapatan lang aniya ng Kongreso ay magtakda ng panahon ng termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay.

Gayunman, naniniwala naman si Pangulong Marcos na may kapangyarihan ang Kongreso na gawin ito.

“So, I think, in terms of the law, it is well within the powers of Congress to postpone those elections because that is not contained in the Constitution, it is contained in the Local Government Code,” wika ni Pangulong Marcos. Kris Jose