BSKE postponement suportado ng mga gobernador

BSKE postponement suportado ng mga gobernador

October 9, 2022 @ 11:01 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Suportado ng organisasyon ng mga goberador sa bansa o League of Provinces of the Philippines (LPP) ang pagpapaliban ng 2022 barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ito ay ayon kay LPP president at South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. kung saan sinabi nito na karamihan sa mga gobernador ay naniniwalang kailangan talagang ipagpaliban ang halalan.

“Majority of our governors believe that there’s really a need to postpone the elections,” ani Tamayo.

Ang ikalawang general assembly ng grupo ay ginawa nitong Setyembre 30 sa pangunguna ng South Cotabato provincial government.

Ganoon rin ang pananaw ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), samahan ng lahat ng liga ng mga local government units at locally elected government officials.

Ayon kay Tamayo na tumatayo ring interim chairperson ng ULAP, kailangan ikonsidera ang pagpapaliban ng barangay at SK elections dahil katatapos lamang ng national at local elections noong Mayo at gagastos na naman ang pamahalaan ng bilyon-bilyon na halaga ng pondo.

Alam naman ng grupo na huli na ang naging panawagan ng mga gobernador tungkol dito dahil nauna nang naaprubahan ng Kongreso ang panukalang pagpapaliban ng BSK election at naghihintay na lamang ng approval ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. RNT/JGC