BSKE sa Dis. 5 oks sa bagong Comelec chair

BSKE sa Dis. 5 oks sa bagong Comelec chair

August 4, 2022 @ 8:06 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Suportado ni newly-appointed Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia na pabor siya sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 5.

Sa isang press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Garcia, isang veteran election lawyer na pabor siya sa napapanahog pagsasagawa ng mga botohan, na sinasabing ito ang “pinakamahusay na simbolo ng demokrasya.”

Gayunman, nilinaw ni Garcia na personal niyang posisyon ito at hindi sa commission en banc.

Umaasa rin ito na madedesisyunan na ng mga mambabatas ang magiging kahihinatnan ng BSKE.

“Hopefully, before the end of August, there will already be a decision,” ani Garcia.

Nauna nang maghain ng panukalang batas si Senator Jinggoy Estrada na naglalayong ilipat ang BSKE mula Disyembre 5, 2022, sa unang Lunes ng Disyembre 2023.

Si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez ay naghain din ng panukala na naglalayong ipagpaliban ang botohan sa ibang araw.

Samantala, handang humarap si Garcia sa Commission on Appointments (CA) sa pangalawang pagkakataon.

“I am prepared. My life is an open book. But I hope the center of everything will be focused on policy direction. Whatever questions or oppositions, we expect that. And I am ready for that,” dagdag pa ni Garcia .

Noong Hunyo, si Garcia, na itinalaga bilang Comelec commissioner ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay na-bypass ng CA.

Kamakailan ay inihayag naman ng Malacañang ang kanyang appointment bilang pinuno ng poll body.

Si Garcia noong Miyerkules ay opisyal na nanunungkulan bilang Comelec chief at pinangunahan ang kanyang unang commission en banc meeting. Jocelyn Tabangcura-Domenden