BSP handa sa P35B ambag sa proposed Maharlika fund

BSP handa sa P35B ambag sa proposed Maharlika fund

December 9, 2022 @ 3:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kahandaan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Biyernes, Disyembre 9 sa pagbibigay ng P30 bilyon hanggang P35 bilyon para sa proposed Maharlika Wealth Fund (MWF).

Kasabay ng pagdinig ng House committee on appropriations sa panukalang MWF Act, sinabi ni BSP deputy governor Francisco Dakila Jr. na ang naturang halaga ay magmumula sa dibidendo ng BSP.

“’Yung buong dibidendo ng BSP na pwedeng magamit para mapondohan ang Maharlika Wealth Fund,” aniya.

Nang tanungin kung ang tinutukoy niya ay ang P30 bilyon hanggang P35 bilyon na dibidendo na naunang iniulat sa pagdinig, sinabi ni Dakila na iyon ang kanilang pagtaya sa initial contribution.

Matapos naman na ibigay ang initial contribution, sinabi ni Dakila na 50% lamang ng dibidendo ng BSP ang ibibigay sa MWF dahil ang natitirang 50% ay ilalagay sa capitalization ng ahensya.

Nasa proseso pa ang BSP sa pagbuo sa target capital na angkop sa amended charter nito.

Sa oras na fully capitalized na ang BSP, magbibigay ulit ito ng 100% ng dibidendo nito sa MWF.

Nilinaw naman ni Dakila na ang international reserves ay hindi maaapektuhan ng kontribusyon nito sa MWF.

Nitong Huwebes, Disyembre 8 ay sinabi ni House appropriations panel senior vice chairperson Stella Quimbo na ang initial funding sa sovereign wealth fund ay maaaring umabot ng hanggang P150 bilyon.

Maliban sa BSP, popondohan din ito ng state-run banks tulad ng LandBank of the Philippines sa P50 bilyon at Development Bank of the Philippines sa P25 bilyon. RNT/JGC