Bubwit palit-pera sa Marikina, umarangkada

Bubwit palit-pera sa Marikina, umarangkada

September 16, 2022 @ 2:24 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Upang makatulong na maalis ang mga daga na nagdudulot ng pagkalat ng leptospirosis, ang pamahalaang lungsod ng Marikina ay nag-aalok ng panibagong pabuya para sa mga makakahuli ng mga peste.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na nagsimula ang programa noong Miyerkules at tatakbo hanggang ngayong Biyernes.

Kuha ni Danny Querubin

Ang mga nahuli na daga ay maaaring dalhin sa City Environment and Management Office (CEMO) headquarters, na matatagpuan sa Gil Fernando Avenue sa Barangay Sto. Nino sa pagitan ng 9 a.m. hanggang 4 p.m.

Ang bawat daga, patay o buhay, na tumitimbang ng 150 gramo pataas ay maaaring palitan ng P200 habang ang mas maliliit na daga ay maaari ding isuko sa mas maliit na halaga.

“Noong Miyerkules, humigit-kumulang 1,700 daga ang dinala sa CEMO at itinapon ng maayos. Itinapon namin sila tulad ng paghawak namin ng mga nakakahawang basura,” ani Teodoro.

Nitong Huwebes naman nakakolekta ang lokal na gobyerno ng mahigit 3,700 daga mula sa mga residente.

Sinabi ni Teodoro na ang paraan ng pagtatapon ng mga peste na ito ay naaayon sa guidelines ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Department of Health (DOH).

Sa ngayon, sinabi ni Teodoro na tatlo lamang ang kaso ng leptospirosis sa Marikina City, kung saan dalawa sa mga ito ay natukoy na mga construction worker at isang factory worker. RNT