Bucks naisahan ng Suns

Bucks naisahan ng Suns

July 7, 2021 @ 12:05 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Tinalo ng Phoenix ang Milwaukee Bucks, 118-105,  sa Game 1 ng kanilang best-of-seven-series NBA Finals na ginanap sa Phoenix Suns Arena sa Arizona.

Pinangunahan ni Chris Paul at Devin Booker ang naging panalo ng koponan nang samantalahin ang mismatches sa depensa at maipasok ang 25 sa 26 na free throws upang sagpangin ang 1-0 lead sa series.

Matapos ang mahigpitang laban sa 1st half, bumirit ang Suns ng 7-2 run para makaalagwa sa halftime break sa iskor na 57-49.

Sa 2nd half, ipinakita na ng Suns ang kanilang pagiging dominante matapos nilang palobohin sa 20 points ang kalamangan.

Pinangunahan ni Khris Middleton ang Bucks at pinanatili ang koponan na nasa striking distance kontra sa Suns matapos tapyasin ang kalamangan ng Phoenix sa pito, 94-101, habang may natitira pang 7:16 left sa regulasyon.

Pero kumana naman ng dagger 3-pointer si Booker sa sumunod na possession para maibalik ang kumpiyansa nila sa laban.

Dito na rin sinimulan ni Paul ang kanyang trabaho para maibulsa ng Suns ang kanilang unang panalo para sa minimithing NBA title.

Nagtapos si  Paul na may game-high 32 points habang si Booker ay nagpasabog ng 27 habang si DeAndre Ayton ay rumehistro ng 22 points at bumatak ng 19 rebounds.

Nanguna naman si Middleton sa Bucks matapos kumamada ng 29 points habang si Giannis Antetokounmpo na halatang nagkaroon ng phobia sa naging injury ay tumipa ng double-double na 20 points at 17 rebounds.

Sisipa ang Game Two sa Friday (Manila time) sa teritoryo pa rin ng Suns.Rico Navarro