Bucks tinusta ng Suns sa Game 2

Bucks tinusta ng Suns sa Game 2

July 9, 2021 @ 2:02 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Dalawang panalo na lang at makakamtan na ng Phoenix Suns ang kanilang minimithing unang kampeonato sa NBA.

Naitakas ng Suns ang Game Two kontra sa Milwaukee Bucks, 118-108, sa larong ginanap sa Phoenix Suns Arena sa Arizona para makuha ang 2-0 sa kanilang bes -of-seven series.

Ipinakita ng Phoenix ang lupit nila sa 3 points area kung saan naisalpak nila ang 20 sa 40 triples na ibinato para sa panalo.

Lumamang pa ang Suns ng aabot sa 15 sa simula ng third quarter.

Nagawa pang tapyasin ng Bucks ang kalamangan ng Phoenix sa walo matapos ang 3 points ni Pat Connaughton, 102-110, habang may natitira pang 1:46 sa regulasyon, pero agad na bumawi si Mikal Bridges at kumana ng two freebies para ibalik sa double digits ang kalamangan ng Suns.

Dalawang buckets ang nagawa ni Giannis Antetokounmpo sa final minute ng laro pero muling nagbalik sa free throws si Bridges na tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Suns.

Umiskor si Devin Booker ng 31 points na may pitong 3-pointers para sa Suns habang sina Bridges at Chris Paul ay umambag ng 27 at 23 points, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa panig naman ng Bucks, nasayang ang 42 points at 12 rebounds na isinalpak ni Antetokounmpo.

Lilipat ang series sa Milwaukee para sa Game Three sa Lunes (Manila time).