BuCor: 3-5 preso namamatay araw-araw

BuCor: 3-5 preso namamatay araw-araw

October 25, 2022 @ 9:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tatlo hanggang sa limang preso ang namamatay araw-araw sa mga kulungan at penal farm ng Bureau of Corrections sa buong bansa.

Sinabi ito ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag kung saan nasa 49,000 person deprived of liberty ang nasa kanilang mga pasilidad.

“‘Yung daily na namamatay dito, we have an average of 3 to 4, sometimes 5 PDLs every day,” ani Chaclag kung saan kadalasan ng dahilan ng mga pagkasawi ay dahil sa natural causes.

“Katandaan, sakit. Mostly naman nanggagaling sa hospital, hospital records,” dagdag pa niya.

Noong COVID-19 pandemic, hindi bababa sa 3 PDL ang namamatay sa mga pasilidad ng BuCor bawat araw, dagdag pa ng opisyal.

“Sa palagay ko ay walang napakalaking spike sa pagkakaiba. Talagang ganun ang average. Even before the pandemic, ganun talaga iyon,” paglilinaw pa niya.

Bukod sa mga nasasawi, ang pinakamalaking hamon na kanilang kinahaharap ay ang  malaking bilang ng mga hindi na-claim na bangkay sa mga accredited funeral parlors.

Sa loob ng limang buwan na walang nagke-claim sa labi, ililibing na ito sa NBP Cemetery.

“We reach out to the families and barangay. Pag wala talaga, hindi na natin kayang patagalin sa funeral parlor kasi mag-iincur ng maraming cost. Ang ginagawa natin temporary, we bury them sa NBP Cemetery,” ani Chaclag. RNT