BuCor caterer naghain ng baboy sa ‘Muslim, Adventist’ inmates-COA

BuCor caterer naghain ng baboy sa ‘Muslim, Adventist’ inmates-COA

September 13, 2022 @ 8:20 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinita ng Commission on Audit (COA) ang mga paglabag na ginawa ng isang caterer na kinuha ng Bureau of Corrections (BuCor) para maghanda ng pagkain para sa mga preso.

Iniulat ng state auditors na naghain umano ang AFS Eatery ng pagkain na “may mababang nutritional value” at “mas kakaonti” kaysa sa napagkasunduang rasyon.

Naghain din ang caterer ng baboy sa mga Muslim at Seventh Day Adventist inmates.

“Review of the food served by AFS Eatery disclosed that some of the menu’s ingredients include pork strips contrary to paragraph E of the Guide to Serving Portions for the Menu,” ayon sa mga auditor.

“Management was unable to monitor and enforce the provisions in the Food Subsistence Agreement (FSA),” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng mga probisyon ng FSA, ang mga bilanggo ng Seventh Day Adventist at Muslim ay “bibigyan ng pagkain alinsunod sa kanilang relihiyosong kasanayan na tinukoy bilang mga produktong sertipikadong Halal.”

Iniulat din ng COA na noong Enero 8 at Mayo 8, 2021, ang mga Muslim at Seventh Day Adventist inmates ay tumanggap lamang ng isang tasa ng steamed rice para sa almusal at tanghalian.

Ipinunto naman ng COA ang pagsita sa mga opisyal ng BuCor na dapat ay nag-monitor din sa pagkain.

“Had the officers of the Bureau monitored the strict implementation of its internal controls and the employees performed their respective duties, functions and responsibilities, the above deviations and/or violations of the caterers could have been prevented and immediately stopped,” dagdag pa ng COA.

Pinayuhan nila ang mga kinauukulang opisyal ng BuCor na i-verify ang lahat ng probisyon ng FSA sa kanilang mga supplier ng pagkain at gumawa ng naaangkop na aksyon kung may makitang mga paglabag. RNT