BuCor kailangang mas kontrolin ng DOJ – Guevarra

BuCor kailangang mas kontrolin ng DOJ – Guevarra

December 6, 2021 @ 11:52 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Nakikita ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang pangangailangan sa mas maigting na pagkontrol sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ay dahil sa kinasangkutan nitong gusot makaraang ipasara ng New Bilibid Prison (NBP) ang isang kalsada sa Muntinlupa City na naiwasan sana kung nagkaroon lang ng mas matalas na ngipin ang DOJ para rito.

Matatandaang idineklara na persona non grata ng Muntinlupa City si BuCor Director General Gerald Bantag dahil sa naturang insidente.

“If Congress gives back a little more control to the DOJ over its attached agencies like the BuCor (as Senator [Franklin] Drilon seems to propose), maybe these unpleasant incidents will happen less often,” ani Guevarra.

Dagdag pa niya, dahil sa Republic Act No. 10575 o BuCor Act of 2013, nabawasan ang kontrol ng DOJ sa BuCor.

Dahil dito, tanging ang administrative supervisions na lamang ang magagawa nila sa kawanihan.

Nagpaalala rin ang DOJ sa BuCor na isangguni muna sila maging ang mga local government units (LGUs) bago gumawa ng mga aksyon katulad ng pagpapasara ng kalsada sa bisinidad ng mga bilangguan o prison facilities nito. RNT