Bucor, NBI sanib-pwersa sa imbestigasyon sa pagkamatay ng high-profile inmates sa NBP

Bucor, NBI sanib-pwersa sa imbestigasyon sa pagkamatay ng high-profile inmates sa NBP

December 15, 2022 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Makakatuwang ng Bureau of Corrections (BuCor) ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ng high-profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP) sa kalagitnaan ng 2020 na naunang iniulat na namatay sa COVID-19.

Ito ay makaraang makumpirma ni BuCor acting Director General Gregorio Catapang Jr. ng impormasyon na ang convicted drug dealer na sinasabing namatay sa cardiopulmonary arrest dahil sa COVID-19 noong June 2020, ay pinatay sa loob ng Site Harry, ang isolation area sa NBP kung saan dinadala ang mga inmates na COVID positive.

“Meron kaming mga info diyan na pinapasa namin sa NBI para hindi naman kami mahirapan sa dami ng problema namin. Pinapasa na namin sa NBI. Sila na nag-iimbestiga. Kami lang nagbibigay ng lead,” pahayag ni Catapang sa ABS-CBN News.

“Inimbestigahan namin ‘yan… Kung hindi bola ang kwento, kung totoo naman ang sinasabi and it can be substantiated by facts, kinukuha namin and we pass it sa NBI,” dagdag pa ng opisyal.

Isang inmate ang iniulat na sinundo mula sa NBP ng armadong mga ahente ng NBI para kunan ng salaysay kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ng mga high-profile inmates sa Bilibid.

Bukod sa nasabing convicted drug dealer, ilan sa mga high-profile PDL na namatay dahil umano sa COVID-19 ay sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong, at Amin Boratong .

Ayon pa sa ulat, may mga high-profile inmates at drug lord na namatay sa COVID pero sa imbestigasyon ay lumabas na hindi naman ito namatay sa naturang sakit.

Inaalam din at kanilang sinunsundan sa imbestigasyon kung sino ang doktor na pumirma na nagpatunay na ang mga inmates ay namatay sa COVID para i-cremate.

“Pinapasa na namin sa NBI para sila na lang bahala mag-investigate, further investigation, but we have the initial,” sabi ni Catapang

Paliwanag ni Catapang, nagkaroon ng lakas ng loob ang mga tauhan ng PDL at BuCor na ibunyag ang kanilang nalalaman at naranasan noong nakaraang administrasyon matapos madamay ang suspendidong BuCor director general na si Gerald Bantag sa pagkamatay ng mamamahayag na si Percy Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor.

Aniya bahagi ng kanilang reporma ang tukuyin ang mga pagkukulang at pang-aabuso na nangyari sa nakaraang administrasyon.

Sinabi rin nhi Catapang na inibestigahan na rin nila ang ulat ng umano’y pang-aabuso na ginawa ng datingga corrections officials laban sa prison personnel at inmates. Jocelyn Tabangcura-Domenden