BuCor wall sa Bilibid sinira

BuCor wall sa Bilibid sinira

November 27, 2021 @ 3:12 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Winasak ng mga residente ng Muntinlupa City ang pader na inilagay ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Katarungan Village na humaharang sa daanan, ayon kay Mayor Jimmy Fresnedi.

Sinabi ni Fresnedi, wala itong permit at koordinasyon sa lokal na pamahalaan at gobyerno.

“Walang permit at koordinasyon sa Pamahalaang Lungsod, Pamahalaang Barangay ng Poblacion, at mga residente ng Katarungan Village 1 and 2 ang itinayong pader ng Bureau of Corrections (BuCor),” saad nito sa Facebook post.

“Napakaraming residente ang mawawalan ng daan papunta sa bayan dahil sa ginawa nilang harang. Mawawalan din ng access pati mga guro at mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa at Muntinlupa National High School.”

Sinita rin nito na ang naturang konstruksyon ay inilihim sa publiko.

“Pa-traydor na itinayo ang pader sa gitna ng gabi. Ano po ba talaga ang pakay at patagong itinatayo ang mga ito?”

“Pinatitigil ang pagtatayo ng pader dahil kahit aplikasyon sa fencing permit ay hindi naman kumuha ang BuCor. Iligal ang inilagay nilang harang. Hindi nakinig ang BuCor sa paulit-ulit na paliwanag. Matapos ang ilang oras, mismong mga residente ang gumawa ng hakbang upang alisin ang harang,” dagdag pa nito. RNT/FGDC