Budget ng BOL at dagdag na IRA sa LGUs, dapat masiguro

Budget ng BOL at dagdag na IRA sa LGUs, dapat masiguro

July 26, 2018 @ 3:46 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Umapela kahapon si Deputy Speaker at dating Budget Secretary Rolando Andaya sa Malacanang at Kamara na gumawa ng paraan para maidagdag sa P3.757 Trillion 2019 Budget ang gagastusin sa pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at dagdag na Internal Revenue Allotment (IRA) sa mga Local Governmemt Units.

Ayon kay Andaya, nasa P160B pa ang dapat na gugulin para sa dalawang binanggit niyang must-fund items.

Nais ni Andaya na lumikha ng budget space sa pambansang pondo para maisingit ang gagastusin sa BOL at IRA ng mga LGUs, aniya, maaari naman itong isagawa sa pamamagitan ng 3 paraan.

Una ay mag-realign ng alokasyon sa 2019 Budget, ikalawa ay magsumite ang Malacanang ng Budget Errata kung saan sa panibagong budget na isusumite nito sa Kamara ay kasama na ang dalawang nasabing item at ikatlo ay magsumite ang Malacanang ng supplemental budget.

Sinabi ni Andaya na ngayong kasado na ang BOL ay kailangan masiguro ang pondo nito sa 2019 budget habang ang IRA ay para sa dagdag budget sa mga LGUs para sa mahahalagang proyek nito. (Gail Mendoza)