Budget para sa 2nd Gen COVID-19 vaxx, ihanda na – Rep. Garin

Budget para sa 2nd Gen COVID-19 vaxx, ihanda na – Rep. Garin

July 15, 2022 @ 4:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinaghahanda na ng budget ni Iloilo Rep Janet Garin ang pamahalaan para sa “bivalent” o second generation COVID-19 vaccines.

Ayon kay Garin dapat mayroon nang nakalaan budget para sa bakuna na inaasahang lalabas sa huling quarter ng taon.

Ang bivalent COVID-19 vaccine ay para sa Omicron strain at sa original strain ng virus.

“Kailangan may pondo na tayo for the bivalent or second generation COVID-19 vaccines. Wala pong gastos ang magpalista, so that is why we need to order and this should be incorporated into the proposed General Appropriations Act [GAA] of next year…or pwede rin itong pag laanan ng pondo sa savings ng gobyerno sa taong ito,” paliwanag ni Garin.

Sinabi ni Garin na hindi dapat magpahuli ang bansa lalo at mahalaga ang bivalent vaccines para sa future mutations ng COVID-19.

“Kung titignan mo yung galaw ng COVID-19 virus, huminto sya dito sa Omicron variant at nagkaroon ng maraming sub-Omicron variants. Ibig sabihin doon ngayon umiikot ang continuous mutation ng virus Kailangan ng Omicron-specific or second generation vaccines para protektado ka sa kung anumang variant ang pwede pang lumabas kasi nakikita mo na ang future mutations will be within that family,” paliwanag ni Garin na dating kalihim ng Department of Health.

Ang nasabing bivalent vaccines ay dagdag sa nauna nang bakuna na natanggap ng mga Pino, bukod pa ito sa booster shot.

Sa kung magkano ang pondong kailangan para sa nasabing bakuna, sinabi ni Garin na depende na ang desisyon sa ito sa DOH.

Sa kasalukuyan ay nasa 71,093,927 Pinoy na ang nabigyan ng primary dose ng COVID-19 habang 15,191,593 o 13.77 percent ang nakatanggap pa lamang ng booster shots. Gail Mendoza