Budget sa pakain ng PDLs, ‘di na sapat sa inflation-BJMP

Budget sa pakain ng PDLs, ‘di na sapat sa inflation-BJMP

September 2, 2022 @ 10:39 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology sa pagtalakay ng P22.3-bilyong budget nito para sa 2023 sa Kamara na hindi na sapat ang budget para sa pagkain ng persons deprived of liberty (PDLs).

Iginiit ni  BJMP chief J/Dir.  Allan Iral sa House Committee on Appropriations na hindi na sumasapat ang kanilang pondo sa pakain sa mga PDL kabila na rin ng kaliwa’t-kanang taas sa inflation o mga presyo ng pangunahing produkto.

Sa ngayon kasi, ang budget para sa pagkain ng isang PDL kada-araw ay P70 lang para na sa tatlong pagkain, ani Iral.

Kasama na rin doon ang gastos sa pagluluto ng pagkain, kasama ang gasolina, dagdag pa ng opisyal.

Dahil sa sitwasyon, sinabi ni Iral na pinapayagan nila ang pagkain sa labas, bagaman napapailalim sa inspeksyon ng mga guwardiya.

Ang paliwanag ni Iral ay kasunod ng pagbukas sa isyu ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa insidente ng pagprotesta ng PDLs sa Ilolo dahil sa kakulangan at hindi magandang kalidad ng pagkain.

“There is an ongoing investigation in Iloilo to really find the truth,” tugon naman ni Iral sa House committee.

“Kasi medyo nagulat din kami for how many years na, ngayon lang sila nag-e-air ng problema nila diyan sa pagkain.”

Nauna nang sinibak ni Interior Secretary Benhur Abalos kay Castro ang warden sa pasilidad habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa insidente. RNT