BUDOL GANG ‘ON THE LOOSE’

BUDOL GANG ‘ON THE LOOSE’

September 22, 2022 @ 1:35 PM 1 week ago


NAWA’Y magsilbing babala sa publiko ang  naranasan ng  isang lola sa kamay ng  apat na miyembro ng budol gang na nambiktima at nakasikwat sa kanya ng P1.5 milyon.

      Sa dami,  dalas na naiuulat na  nabibiktima ng budol gang  operandi,  pahiwatig ito na ang budol-budol gang ‘is on the loose’,  ayon sa isang veteran Paranaque City  police investigator.

      Ang budol group na karaniwang binubuo ng mga lalaki at babae ay walang pinipiling bibiktimahin tulad ng nangyari kay Lola  Lilia Arquiza, 71, ng Paranaque City.

      Ayon sa salaysay ni Arquiza,  kabababa lamang niya sa pampasaherong jeep  sa Valley 1, Barangay San Antonio nang lapitan siya ng isang lalaki na may kasamang tatlong babae.

       Pinaikutan umano siya ng grupo, sumunod ay  naroon na siya sa SM MOA kung saan inatasan siyang mag-mag-withdraw ng P50,OOO sa China Bank ng mga suspek.

      Gamit ang kanyang  credit card, para siyang na-hipnotismo na sumunod sa utos ng mga suspek  na bumili ng kung ano-anong bagay tulad ng gadgets at mga alahas.

         Pero huli na ang lahat nang malaman niyang siya pala ay naloko, nabiktima ng budol-budol gang, pahayag niya sa Paranaque City police.

      Ang operasyon ng budol gang ay napakatagal na bilang isang uri ng krimen na paulit- ulit na nangyayari sa kabila nang pagkabuwag na ng ilang budol gang matapos madakip ang mga  taong  nasa likod nito. 

         Sa aking karanasan bilang police reporter,  kung may awtoridad na makakalutas sa kaso ni Lola Lilia, ito ay ang  Criminal Investigation and Detection Group.

     Maraming mga asset kasi ang CIDG sa underworld  na kung  gusto ng mga magagaling  na intelligence operatives na lutasin ay tiyak na makukuha ni Lola Lilia ang hustisyang kanyang hinahanap mula sa nanloko sa kanyang budol gang.

        Kaya ang hamon natin sa CIDG, partikular kay PBGen. Ronald Lee, hepe, hulihin ang mga suspek na  bumudol at bumiktima kay Lola Lilia para ‘di na muling makapambiktima at mabura ang takot ng madla sa gumagalang mga budol gang.

     Subaybayan natin.