BUGOK NA PARAK SIBAKIN

BUGOK NA PARAK SIBAKIN

June 4, 2021 @ 8:05 AM 2 years ago


Isa na namang bagong insidente ng pagpatay ng kagawad ng Philippine National Police ang naganap.

Biktima ang isang 52-anyos na babaeng sibilyan na hinawakan sa buhok at barilin sa leeg nang walang kalaban-laban sa Sitio Ruby, Fairview Quezon City.

Nahaharap sa kasong murder si M/Sgt. Hensie Zinampan at pagsibak sa serbisyo matapos na walang awang patayin nito si Lilibeth Valdez.

Buti na lang, naaresto kaagad ang nasabing pulis.

Napag-alamang lumabas ng bahay si Valdez para bumili ng sigarilyo sa isang tindahan pasado alas-9:00 ng gabi at sinundan siya ni Zinampan.

Noong mga oras naman na ‘yun, nakainom ang pulis at nakasilbilyan pero ang pinagtatakhan ng mga nakakita, may dala-dala baril ang gagong pulis na itinatago niya sa kanyang likuran habang kinakausap ang nasabing biktima.

Maya-maya, biglang nagkaroon ng tensyonadong usapan sa pagitan ng pulis at ng biktima, kasama ang iba pang mga kapitbahay na naroroon at nakasaksi sa pangyayari.

Habang kinokompronta ng gagong pulis ang ginang tungkol sa dating alitan ng mga ito, hindi siya pinansin ni Valdez dahil lasing na lasing nga ito.

Dito na ikinasa ng pulis ang baril, hinawakan sa buhok ang biktima na nagmamakaawa saka binaril.

Walang puknat na pinaputukan sa leeg ng suspek ang biktima na bumulagta pagkatapos saka ito mabilis na naglakad papalayo.

Ang ugat ng alitan ng magkapitbahay na ito ay ang matagal nang away nila na nauwi sa suntukan at nagtanim ng galit ang nasabing pulis na humantong sa pagpatay nito.

Sa totoo lang, bayan, napakababaw ang naging ugat ng alitan na ito at hindi dapat na humantong sa pagbubuwis ng buhay ng walang kalaban-laban na ginang.

Bakit hindi na lamang nagpatawaran ang isa’t isa at bakit kailangan pang may bumulagta sa kalsada?

Kung ako ang tatanungin, tama lang talaga na sibakin ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga pulis na katulad ni Sarhento Sinampan dahil nagsisilbi silang ‘anay’ sa PNP na sumisira magandang reputasyon ng kapulisan.

Sinisira niya ang pangarap ni PNP chief Gen. Eleazar na “internal cleansing” sa hanay ng pulisya.

Ang tulad ni Sgt. Zinampan ay maituturing na isang pulis na bugok.

PATULOY SA PANGONGOLEKTA NG WEEKLY SA VICES SA KAMANAVA

PATULOY pa rin ang pangongotong sa vices ang mag-among Tata Kris at alyas King sa Northern Police District na pinamumunuan ni P/BGen. Jose Hidalgo sa kabila ng kauupo pa lamang na District Director ito.

Kabilang sa mga kinokotongan ni alyas King ang 137 ni alyas Oca at may weekly tong-collection na P70,000, hindi pa kasama riyan ang mga police station at detachment.

Iniikutan din ng mag-among Kris at Iking ang pasugalan nina Mariong Bukbok, Boy Edmond, Nancy Camote, Jay R, Sammy at marami pang iba.

 Ang pinagtatakhan ko lang, hindi man lamang kumikilos si heneral laban sa mga pangongotong ng kanyang mga alagad ng batas. Bakkittt?

 Pakisagot lang, Gen. Hidalgo!

 Anomang puna o reklamo, i-text sa 0918924764, 09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]