Buhawi nanalasa sa Kabite

Buhawi nanalasa sa Kabite

May 20, 2022 @ 7:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines– Tumama ang isang  buhawi sa mga kabahayan sa Barangay Buenavista Uno sa General Trias, Cavite nitong Huwebes ng hapon.

Makikita sa isang video ang madilim na langit at  mga yero at dahon na nilipad ng hangin. Napahinto ang mga motorista dahil sa lakas ng hangin. 

Nagliyab din ang isang poste ng kuryente nang dumikit ang isang yero sa kawad. 

“Pauwi na po ako galing Imus patungong Trece Martires. Biglang umulan at nagliparan ang mga basura at yero. Malakas po ang ipu-ipo na may kasamang ulan,” pagbabahagi ni Taray..

Batay sa inisyal na tala ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), napinsala ang ilang bahay dahil sa buhawi. Mayroon din umanong naiulat na residenteng nasaktan dahil sa mga nagliparang bagay.

“Natuklap ‘yung mga bubong, tapos ‘yung mga shanty ay mayroong ilan-ilan na nagiba, at pati ‘yung mga puno ay nabuwal dahil sa lakas nitong buhawi,” sabi ni Fernando Olimpo, officer-in-charge ng Gen. Trias CDRRMO.

Patuloy ni Olimpo, inulan nang malakas ang kanilang lugar nitong Huwebes bago nabuo ang buhawi.

“Doon nagsimula sa Barangay Buenavista Uno, then nag-cross siya ng ilog tapos dumiretso sa Barangay Santiago,” paglalahad pa niya. RNT/SA