‘Buhay sa Gulay’ inilunsad sa OrMin; P2.66M farm equipment ibinigay

‘Buhay sa Gulay’ inilunsad sa OrMin; P2.66M farm equipment ibinigay

July 12, 2021 @ 7:22 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Upang mabigyan ng pagkain at pagkakakitaan ang 74 na kasapi ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) sa Barangay Lalud,Calapan City,Oriental Mindoro inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) kamakailan sa rehiyon ng MIMAROPA ang kauna-unahang Proyektong Buhay sa Gulay sa naturang komunidad.

Sa press release sinabi ng DAR Ang Buhay sa Gulay ay isang proyekto ng departamento na naglalayong itaguyod ang urban vegetable gardening at tulungan ang mga naninirahan sa lungsod sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay at pagbebenta sa mga ito.

Ayon sa DAR ang proyektong Buhay sa Gulay sa Oriental Mindoro ay nasa lupain ng Apostolic Vicariate of Calapan (AVC) at may sukat na 5,000 square meters para pagtaniman at may potensyal pang madagdagan ng 4,000 square meters.

Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Isagani Placido, labis siyang natuwa sa suportang tinanggap ng proyekto mula sa iba’t ibang sektor.

“Ang simbahan, lokal na pamahalaan ng Calapan at ang pambansang pamahalaan gaya ng DAR, Department of Agriculture (DA) at Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA) ay nagsanib pwersa upang magtagumpay ang proyektong ito,” ani Placido.

Idinagdag pa niya na umaasa siyang ang ang pagsasama-sama ng mga sektor ay magbibigay daan upang makapaglunsad ng mas marami pang proyektong Buhay sa Gulay sa buong rehiyon.

Kaugnay nito ang DA ay magbibigay ng mga kagamitang pansaka sa proyekto, samantalang ang TESDA ay magbibigay naman ng mga pagsasanay na may kaugnayan sa agrikultura at scholarship sa residenteng lumalahok sa proyekto. Ang Simbahan at ang pamahalaan ng Calapan ay magbibigay rin ng mga suportang kinakailangan upang maseguro ang tagumpay ng proyekto.

Samantala sinabi ni Edalin Legaspi, parent-leader ng 4Ps, malaki ang maitutulong ng proyekto sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Pagkatapos ng paglulunsad sa proyekto, nagkaloob din ang DAR ng may kabuuang P2.66-milyong mga farm equipment sa agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) ng lalawigan.

Sinabi ni PARPO I Rogelio Madarcos na malaki ang maitutulong sa produksyon ng mga kagamitang pansaka na ipinagkaloob sa kanila. Santi Celario