Buking! Fariñas, inalok na tablahin si Alvarez

Buking! Fariñas, inalok na tablahin si Alvarez

August 1, 2018 @ 2:09 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Inamin kahapon ni dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas na buwan ng Marso pa lamang ay nakatanggap na siya ng alok na talikuran si dating House Speaker Pantaleon Alvarez kapalit ng pananatili niya bilang House Majority Leader.

Ayon kay Farinas, hindi niya tinanggap ang nasabing alok mula sa mga Pro-House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

“Nung March pa nilalapitan na ako. Palitan lang Speaker and everything will be as is. Ako pa rin ang Majority Leader.

I said no. I’m sorry, loyal ako na person eh. I am Majority Leader of Speaker Alvarez, I will be Majority Leader to him only and hindi ako papayag sa ganyan,” pag amin ni Farinas.

Ang nasabing alok ay ipinarating umano nila ni Alvarez kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagsabing wala silang problema ni Alvarez.

Noong umaga ng June 23 ay nilapitan umano siya ni Surigao del Sur Rep Prospero Pichay at muling inulit ang alok sa kanya, giit umano ni Pichay na tanging si Alvarez lamang ang papalitan at walang mababago sa Kamara ngunit muli niya din itong tinanggihan.

Hanggang sa ngayon ay nanatiling loyal si Fariñas kay Alvarez at kasama ito sa pagsusulong na makuha ang Minorya ng Kamara matapos mapatalsik sa mayorya.

Bagamat napatalsik sa pwesto ay hindi umano nagtanim ng sama ng loob sa kanyang mga dating kasamahan si Fariñas, aniya sa loob ng 40 dekada sa pulitika ay sanay na siya sa ganitong sitwasyon.

“Politics is the art of the possible. And if it’s possible, it means you meet the kindest and cruelest of persons,” pahayag ni Fariñas na bago naging kongresista ay nagsilbi din bilang alkalde at provincial governor ng Laoag City.

Si Fariñas ay pinalitan ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya bilang Majority Leader gayundin bilang Chairman ng Committee on Rules. (Gail Mendoza)