Bulkang Merapi sa Indonesia, sumabog!

Bulkang Merapi sa Indonesia, sumabog!

March 19, 2023 @ 1:00 PM 7 days ago


INDONESIA – Sumabog ang isa sa pinaka-aktibong bulkan sa mundo na Mount Merapi sa Indonesia nitong Biyernes ng gabi, Marso 17.

Nakuhanan ng Merapi Volcano Observatory ang kumukulong lava at iba pang volcanic materials na itinapon 1,300 metro sa himpapawid.

Hanggang nitong Sabado, nagpapatuloy pa rin ang pagbuga ng abo at lava ng naturang bulkan.

“Residents should anticipate the disruption due to the volcanic ash from Mount Merapi eruption and please be on alert for the danger of volcanic mudflow, especially when it rains around Merapi,” pahayag ng volcanology agency.

Noong nakaraang linggo ay sumabog din ang Merapi kasabay ng pagbuga ng volcanic materials 9,600 feet o 3,000 metro sa ibabaw ng summit.

Binalot naman ng ulan na may-abo ang walong bayan sa paligid ng bulkan sa pagsabog ng Merapi noong nakaraang linggo.

Ayon sa mga volcanologist, nasa pinaka-aktibong phase na ito ng bulkan mula noong 2021.

Nakataas ang ikalawa sa pinakamataas na alert level ng Merapi mula pa noong 2020 kasunod ng dumaraming aktibidad sa bulkan dahilan para maglagay ng pitong kilometro na restricted zone mula sa summit ang mga awtoridad.

Noong 2010 ang pinakahuling major eruption ng bulkang Merapi na pumatay ng mahigit 300 katao at sapilitang nakapagpalikas ng 280,000 residente. RNT/JGC