‘Bullying’ ng Tsina sa PH Navy sa WPS, kinondena ni Dela Rosa

‘Bullying’ ng Tsina sa PH Navy sa WPS, kinondena ni Dela Rosa

December 21, 2022 @ 3:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Malinaw na binu-bully ng Chinese coast guard ang tauhan ng Philippine Navy sa huling insidente malapit sa Pag-asa Island kaya’t hindi maaaring iginiit ng Beijing na nagkaroon ng “friendly consultation,” ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pulisya ng administrasyong Duterte na hindi matinong kausap ang China dahil nambobola lamang sila sa nangyayaring usapan.

“Ibig sabihin nagdo-double talk sila. Hindi sila matinong kausap. Anong friendly consultation diyan eh nagsisigawan na. It’s very clear that is bullying,” giit ni Dela Rosa.

Tugon ito ni Dela Rosa sa pahayag ng Chinese embassy sa Maynila na nagkaroon ng “magandang usapan” sa pagkuha ng rocket debris na lumutang sa karagatan na sakop ng Pilipinas sa Pag-asa Island noong Nobyembre 20.

Taliwas ang pahayag ng embahada ng China sa footage na inilatag ni Senador Francis Tolentino sa pagdinig ng Senado na kung saan sinabi ng tauhan ng PN na: “Pinutol nila yung tali, kinuha nila, binawi nila uli. Wala kami, mahina yung rubber boat namin.”

Sinabi ni Dela Rosa na hindi na nito nalalaman kung ano ang gagawin sa sitwasyon dahil walang pagkilos na ginagawa ng China sa note verbal at protesta na inihahain ng Department of Foreign Affairs laban sa pambubully ng Chinese coast guard.

Aniya, magmimistulang inutil ang pagsasagawa ng pagdinig sa isyu dahil hindi nirerespeto ng China ang Pilipinas.

“If it (protest) leads to somewhere, sana may nangyayari na diyan pero talagang nowhere. Instead of reducing their presence in the West,” aniya.

Umabot na sa 193 ang inihaing protesta ng Pilipinas sa China nitong 2022 lamang, 65 ang naisagawa sa administrasyong Marcos, ayon sa DFA.

Samantala, nagpasalamat naman si Dela Rosa sa suportang ibinibigay ng US State Department sa Pilipinas at nanawagan sa China na respetuhin ang international law of the sea at legal na obligasyon nito sa 2016 arbitral ruling.

Naniniwala si Dela Rosa na hindi layunin ng pahayag ng US na magkaroon ng gawak ang relasyon ng Pilipinas at China dahil bago isagawa ito, nauna nang kinokondena ng mambabatas ang pambubully ng Beijing. Ernie Reyes