Bulungan sa Paranaque, pinasinayaan!

Bulungan sa Paranaque, pinasinayaan!

August 19, 2022 @ 11:21 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ang bagong Fisherman’s Wharf o mas kilala na “Bulungan sa Parañaque” na siyang magiging isang mayoryang atraksyon para sa mga turistang bibisita sa lungsod.

Pinangunahan nina Parañaque City Mayor Eric Olivarez at ng kanyang nakatatandang kapatid na si 1st District Rep. Edwin Olivarez ang pagpapasinaya sa tatlong palapag na “Bulungan sa Parañaque” na matatagpuan sa Barangay La Huerta.

Sinabi ni Olivarez na ang Parañaque River Promenade at City Park ang mga karagdagang atraksyon sa “Bulungan sa Parañaque” kung saan masisiyahan ang mga bibisita na bibili ng sariwang seafoods o lamang dagat at kakain sa lugar na ito.

Ayon kay Olivarez, ito ang hindi makalilimutang okasyon sa lungsod dahil ang pagbubukas ng bagong environment-friendly na imprastrakturang ito ang makapagpapatupad ng pangarap ng bawat residente sa lungsod na magkaroon ng bagong tourist spot at magandang lugar na makapagbibigay din ng pagkakakitaan sa kanila.

Matatandaan na sinimulan ang konstruksyon ng City Park noong si Rep. Olivarez pa ang alkalde ng lungsod.

Sinabi ni Olivarez na bukod dito ay nagpagawa din ang lokal na pamahalaan ng tulay na kumokonekta sa Macapagal Boulevard upang maging mas mabilis ang travel time na hanggang limang minuto na lamang patungo ng Entertainment City at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Dagdag pa ni Olivarez na ang pagbubukas ng bagong “Bulungan sa Parañaque” ay makakapagbigay ng mas maraming trabaho para sa residente kabilang na dito ang nawalan ng pinagkakakitaan na mga mangingisda sa lungsod. James I. Catapusan