Bumababang passing rate sa LET, ikinabahala ni Gatchalian

Bumababang passing rate sa LET, ikinabahala ni Gatchalian

February 21, 2023 @ 11:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tulad ng isang advocacy group, lubhang ikinabahala din ni Senador Win Gatchalian ang pagbagsak ng tantos sa passing rate ng kumukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) kaya’t muli nitong isinusulong ang ganap na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713).

Batay sa pag-aaral ng Philippine Business for Education hinggil sa mga resulta ng Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) mula 2010 hanggang 2022, 37% lamang ang passing rate sa overall takers sa elementary level at 40% naman sa secondary level.

Lumabas din sa naturang pag-aaral na batay sa overall passing rates ng Teacher Education Institutions (TEIs) na mayroong takers na hindi bababa sa 300, 2.2% lamang ang mga maituturing na high-performing TEIs sa elementary level at 2.0% lamang sa secondary level.

Saklaw ng resultang ito ang pito sa 12 taong bahagi ng pag-aaral. May overall passing rate na 75% ang mga high-performing TEIs sa loob ng pitong taon mula 2010 hanggang 2022.

Aabot naman sa 34.8% ang bilang ng mga low-performing TEIs sa elementary level at 24.4% naman sa secondary level. Maituturing na low-performing ang isang TEI kung umabot lamang sa 25% ang overall passing rate nito sa mga taong saklaw ng pag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ang ganap na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act upang tugunan ang mababang passing rate sa LET at upang paramihin ang bilang ng mga high-performing TEIs.

Sa ilalim ng batas na akda ni Gatchalian, iaangat ang kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng guro sa pamamagitan ng pinatatag na Teacher Education Council (TEC) na magpapaigting sa ugnayan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).

Titiyakin ng TEC ang ugnayan sa iba’t ibang yugto ng teacher education mula pre-service hanggang in-service.

“Sa pagsisikap nating iangat ang kalidad ng edukasyong natatanggap ng ating mga kabataan, mahalagang tiyakin din natin na nakakatanggap din ang ating mga guro ng dekalidad na edukasyon, lalo na’t sila ang may pinakamahalagang papel sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education. Ernie Reyes