Bumaril sa traffic enforcer sa Kabite, may patong na P100K

Bumaril sa traffic enforcer sa Kabite, may patong na P100K

August 28, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Nag-alok na ng P100,000 pabuya si Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr. para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa  kinaroroonan ng suspek na bumaril sa isang traffic enforcer sa Dasmariñas City noong Sabado.

Sinabi ni Barzaga, chairman ng House Committee on Natural Resources na ang pabuya ay maka-eengganyo para makatulong ang publiko sa pagresolba sa kaso.

Ang alok ay pinost ni Barzaga sa kaniyang sariling Facebook kamakalawa ng kagabi.

Ang nabanggit na insidente ng pagbaril sa traffic enforcer na si Edgardo Quiroga na ngayon ay patuloy na ginagamot sa Pagamutan ng Dasmarinas ay agad kinondena ng mambabatas.

“Ang lalaking suspek ay nakasuot ng pula at itim na helmet, kulay abo na pang-itaas na may mahabang manggas at maong na pantalon at nakasakay sa kulay rosas at itim na Yamaha Mio na walang plaka,”ayon sa impormasyon inilabas ni Barzaga.

Sa paunang imbestigasyon at pagtingin ng mga otoridad sa closed-circuit television (CCTV) footage si Quiroga, 60-taong gulang at traffic enforcer na nakatalaga sa Dasmarinas City ay nakatayo nang biglang sumulpot sa likuran nito ang suspek at saka pinagbabaril ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan.

Ayon sa pulisya, ang insidente ay naganap noong Sabado ng alas-3:46 ng hapon sa Gasso Gasoline station sa Barangay Langkaan Drive ng nababanggit na lungsod.

Kasabay nito ay nagbigay din katiyakan si Barzaga na mananatiling confidential ang lulutang na informant sa agarang ikalulutas ng kaso.

“Ang pagkakakilanlan ng informant ay mananatiling confidential para sa kanyang kaligtasan,” giit pa ni Barzaga.

Nagpapatuloy ang pursuit operation ng Cavite Police sa agarang ikadarakip at ikareresolba ng insidente na ayon sa imbestigasyon ay hinihinalang ito ay alitan ng magkabilang kampo.

Samantala, nanindigan naman ang alkalde ng Dasmarinas na si dating Rep. Jenny Barzaga na mabigyan ng hustisya ang biktima at aniya’y buo ang suporta ng  kaniyang tanggapan sa mga empleado ng lungsod.

“The attempt to kill an unarmed  traffic enforcer without any provocation nor any altercation between the victim and the offender cannnot be tolerated  by any public official. The city government shall avail of all its powers within the legal bounds to  give justice to our traffic enforcer and let it be known by everyone that we shall always support our employees,” ani Mayor Barzaga. Meliza Maluntag