BUNGA NG DROGA MULING PAGMASDAN

BUNGA NG DROGA MULING PAGMASDAN

January 19, 2023 @ 11:32 AM 2 weeks ago


MAGANDANG pagkalimiin o suriin ang naganap sa isang lansangan sa Las Piñas nitong nagdaang araw lamang.

Nakaparada sa gilid ng isang kalsada sa nasabing lungsod ang isang kotse na na naglalaman ng isang patay na babae, si Jennifer Mendoza.

Nang suriin ng mga pulis ni Col. Jaime Santos, hepe ng Las Pinas police, ang biktima, may tama ito ng bala sa ulo na siyang ikinamatay na rin nito.

Nang lumutang ang isang lalaki na may-ari ng kotse, lumitaw, mga brad, ang isang katotohanang dapat na bigyan ng atensyon.

Maaaring pinatay ang babae ng isang durugista na nakulong na sa droga at pagnanakaw.

Mismong ang may-ari ng kotse ang nagsabi nito.

At tinutukoy niya ang kanyang kapatid na maaaring may kinalaman sa krimen.
Nananawagan na ang may-ari ng kotse sa kapatid na sumuko na upang malaman kung may kinalaman ito sa krimen o wala.

Kwento ng may-ari ng kotse, hiniram ng kanyang kapatid na nakulong sa pagnanakaw at droga, ang kotse para mamasada noong Disyembre 26, 2022.

Pero hindi na nito ibinalik ang kotse at hindi na rin nagpakita pa hanggang sa araw na matagpuan ang kotse na may sakay na patay sa pamamaril.

Habang tinitipa ito, mga brad, hindi pa tiyak kung si Jennifer ang nililigawan ng kapatid ng may-ari ng kotse.

Maaari ring pasahero lamang din siya na sumasakay sa paupahang kotse dahil hindi naman umano ito marunong na magmaneho, ayon sa kanyang mga kamag-anak.

Malulutas ang misteryo sa pangyayari kung lilitaw ang kapatid ng may-ari ng kotse ngunit lalong lalabo ang lahat kung lilitaw ito at pabulaanan ang pagsasangkot sa kanya sa krimen.

Pero paano kung sa huli, totoo na namatay ang babae dahil sa droga at pagnanakaw?