BUNGA NG PAGBABALIK-LOOB

BUNGA NG PAGBABALIK-LOOB

September 16, 2020 @ 12:06 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

NAGSIMULA sila noong June 4, 2020 sa kasagsagan ng pandemyang dulot ng virus na COVID-19, nang itanim nila ang mga punla ng chili pepper, talong at papaya sa isang ektaryang lupain sa Sitio Dimanagsag, Barangay Calabuanan ng Baler, Aurora.

Kasama ang mga sundalong nabibilang sa 91st Infantry (Sinagtala) Battalion ng Philippine Army, ang mga dating komunistang mandirigma o rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan ang nanguna sa pagtatanim ng 4,500 na punla ng chili pepper, isang libong talong at 150 puno ng papaya. At matapos ang dalawang buwan lamang, ay nagbalik na sila sa taniman upang anihin na ang mga ibinunga ng kanilang mga pagod.

Pangunahing panauhin pa mismo si Brig. Gen. Andrew Costelo, commander ng 703rd Infantry (Agila) Brigade sa tinatawag nilang Sinagtala Farm 2nd Harvest Festival noong Biyernes (September 4,2020) nang anihin ang mga itinanim na gulay at iba pang agricultural crops ng mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga tropa ng pamahalaan sa ilalim ng Sinagtala Brigade.

Sa tuwa nga ng Philippine Army commander, inanyayahan ni Brig. Gen. Costelo ang mga natitira pang mga rebeldeng NPA na mga nasa kabundukan pa, na sundin ang mga yapak ng kanilang mga ‘comrade’ na inabandona na ang terorista at komunista nilang samahan upang magbagong buhay na at magbalik sa normal na pamumuhay kapiling ang kani-kanilang pamilya at dating komunidad na ginagalawan.

Nagbigay-pugay rin si Costelo sa 91st Infantry (Sinagtala) at hinangaan ang pagsusumikap ng mga tropa ng pamahalaan upang agapayan at tulungan ang mga dating rebelde na maging kapaki-pakinabang na miyembro muli ng lipunan sa pamamagitan ng pagtatanim.

Ikinatuwa rin ng Brig. General ang pahayag ng mga dating rebelde sa kanilang mga na-experience at natutunan na kanilang magagamit sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang pamilya at komunidad.

Ang mga sundalo natin sa Sinagtala Infantry at mga dating rebeldeng NPA ay nakaani ng 60 kilo ng chili pepper at sampung kilo ng talong. At ang pinakamagandang nagawa ng ating mga tropa ng pamahalaan ay ang maitanim sa mga dating rebelde ang mga paraan ng paghahalaman at pagtatanim. Mga teknik ika nga kung paano magpalago ng prutas at gulay sa pamamagitan ng tamang pagtatanim.

Sa paliwanag nga ni Lt. Col. Reandrew Rubio, 91B commanding officer, ay nagsabing ang programa ay pinagtulong-tulungan ng provincial government ng Aurora at iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa ilalim ng “Plant, Plant, Plant” program ng nasyunal na pamahalaan na nakatuon sa kapakanan ng mga dating rebelde upang ihanda sila sa kanilang pagbabalik sa normal na buhay, sa kanilang pamilya at komunidad.

Nagbunga nga ang kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan. Hindi rin nila ito matututunan kung laging armas at maling paniniwala sa maling pakikibaka ang kanilang tutugunan ngunit kumakalam naman ang kanilang mga sikmura.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!


  •  
  •  
  •  

Loading...