Buntis, anak na paslit, patay sa araro ng pick-up; asawa kritikal

Buntis, anak na paslit, patay sa araro ng pick-up; asawa kritikal

December 28, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


KORONADAL CITY – Kaawa-awa ang sinapit ng buntis na misis at 1-taong anak nitong lalaki habang kritikal naman ang kanyang mister matapos araruhin ng pick-up ang sinasakyan nilang tricycle, Lunes ng gabi sa lungsod na ito.

Kinilala ang nasawi Honie Lasamana, 8-buwan buntis, 33 anyos, at 1-taon nitong anak na lalaki habang inoobserbahan naman sa ospital ang mister na si Sarub Lasamana, 32-anyos, kapwa residente ng Brgy. Bunao, Tupi.

Ayon kay PSSgt. Leo Dimaculangan, imbestigador ng Koronadal PNP Traffic, dakong alas-10:30 ng gabi naganap ang insidente sa Prk. Depita, Brgy. Zone 2, Koronadal City.

Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng pick-up na kinilalang si Erwin Aviador.

Sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Surab ang tricycle sakay ang kanyang mag-iina ng bigla na lamang silang araruhin ng Isuzu pick-u na may plakang WLE-478 na minamaneho ni Aviador.

Sa lakas ng pagkakasalpok tumilapon ang mga biktima at nayupi ang sinasakyan nilang tricycle.

Dinala naman sa South Cotabato Provincial Hospital ang mga biktima subalit idineklara na rin patay ng umatending doctor ang mag-iina.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente at posibleng maharap sa patung-patong na kaso si Aviador. Mary Anne Sapico