Buntis, nobyo patay sa bangga ng nursing student

Buntis, nobyo patay sa bangga ng nursing student

June 1, 2022 @ 3:29 PM 4 weeks ago


PAVIA, Iloilo City- Patay ang isang babaeng buntis at nobyo nito matapos silang mabangga ng sports utility vehicle na minamaneho ng nursing student nitong Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Gerald Jade Fuentebella, 29 anyos, residente sa Brgy. Tacas Jaro, Iloilo City at buntis nitong nobya na si Ma. Leslie Grace Navarra, 32 anyos, residente ng Brgy. Cagbang, Oton, Iloilo City.

Nakakulong naman sa lock-up cell ng Pavia Municipal Police Station ang suspek at driver ng SUV na kinilalang si Marffy Raine Lagamo, 19-anyos, nursing student at residente sa Pandac, Pavia, Iloilo.

Ayon kay Police Major Rolando Araño, hepe ng Pavia Municipal Police Station, dakong alas-6 ng hapon naganap ang insidente sa harap ng Centro Verde Residencias de Iloilo sa Pandac at Jibao-an Streets, Pavia.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Fuentebella ang Yamahan mio motorcycle angkas ang nobya na si Navarra na dalawang buntis ng makasalubong ang SUV na minamaneho naman ni Lagamo.

Dito, bigla na lamang silang nasalpok ng SUV dahilan para tumilapon ang mga biktima sa kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan.

Isinugod naman sa ospital ang magkasintahan subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang mga ito.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, damage to property at unintentional abortion si Lagamo. Mary Anne Sapico