Buntis timbog sa Taguig buy-bust ops

Buntis timbog sa Taguig buy-bust ops

October 3, 2022 @ 9:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Arestado ang isang buntis na tinaguriang high-value target (HVT) na nakumpiskahan ng mahigit P.5 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Southern Police District (SPD) nitong Oktubre 2.

Kinilala ni SPD director PCol. Kirby John Brion Kraft ang nadakip na suspect na si Christie De Castro Santos a.k.a. Kim, 34.

Base sa report na natanggap ni Kraft, matagumpay na naisagawa ng mga tauhan ng DDEU at DMFB ang buy-bust operation dakong alas-12:10 ng hatinggabi sa No. 42 Faculty Street, Brgy. Sta. Ana, Taguig City.

Nauna dito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng DDEU tungkol sa ilegal na aktibidad ng suspect at nang magpositibo ang kanilang inilatag na surveillance operation ay agad na isinagawa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspect.

Sa isinagawang operasyon ay nakumpiska sa posesyon ni Santos ang apat na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalamang ng mahigit-kumulang 75 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱510,000, isang kulay pula at itim na pouch at ang ₱500 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Matapos ang operasyon ay agad na dinala si Santos sa opisina ng DDEU para sa dokumentasyon at disposisyon habang ang nakumpiskang hinihinalang shabu ay dinala naman sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 si Santos na isasampa laban sa kanya sa Taguig City prosecutor’s office.

Ayon naman kay Kraft ay kanilang kinikilala ang ipinagkakaloob na suporta ng komunidad sa patuloy na operasyon ng SPD sa pakikipaglaban sa illegal na droga.

“Sa tulong ng ating komunidad ay masusugpo natin ang salot na illegal na droga. Ang laban na ito ay laban ng pamayanan at kapulisan,” ani Kraft. James I. Catapusan