BUO ANG TIWALA SA QCPD DAHIL SA MASIPAG NA DD

BUO ANG TIWALA SA QCPD DAHIL SA MASIPAG NA DD

October 22, 2022 @ 4:38 PM 2 months ago


MALAKI ang tiwala ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa naitalagang director ng Quezon City Police District na si P/BGen. Nicolas Torre III dahil nakikita niya ang kahusayan nito sa pamumuno at pamamalakad sa kanyang nasasakupan. 

Bukod pa rito, nakikita rin ng lady city chief executive kung gaano kasipag ang naitalagang opisyal para sa pangangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod na ang land area ay sobrang laki na doble o higit pa sa Maynila.

Ang isa pang katangian ni Torre na  hinahangaan ng alkalde ay ang pagiging prangka nito at hindi nakukuha sa ayusan basta ang nasa isip ay kung paano maisasaayos ang Quezon City upang maging maunlad. 

Malaki ang malasakit ni Torre sa lungsod dahil matagal siya nagsilbi rito. Simula pa lang noong police major si Torre ay kinakitaan na ito ng sipag at talino sa pamamalakad ng iba’t ibang tanggapan. Kahit sa mga training, laging nangunguna si Torre kaya naman malaki ang tiwala sa kanya ng kanyang mga naging hepe. 

Kaya naman hindi lang ang matataas na opisyal niya ang humanga kay Torre subalit maging ang ilang mediamen na nakasalamuha niya at mga residente, lalo na mahihirap, na natulungan niya.

Noong Huwebes, naaresto ng mga tauhan ng QCPD Kamuning Police Station  ang suspek sa pagtangay ng bag ng aktres na si Hazel Espinosa, Erica Davantes sa tunay na buhay, sa Barangay Laging Handa. 

Kinilala ni P/LtCol. Robert Amoranto, station commander ng Kamuning PS, ang suspek na si Abdul Mohammad Bocua, 30, ng Barangay Holy Spirit, na aresto sa kanyang tahanan sa isinagawang follow-up operation. 

Nabatid na si Espinosa ay nasa harap ng E.B. Davantes Aesthetic Clinic sa  28 E. Scout Tuazon St., Brgy. Laging Handa, Quezon City alas 9 ng Huwebes ng gabi at may kinuha sa likod na compartment ng kanyang sasakyan nang biglang sumulpot ang suspek, lulan ng motorsiklo, at biglang inagaw at tinangay ang kanyang bag at tumakas patungo sa Roces Avenue.

Kaagad na ipinagbigay-alam ni Espinosa sa Kamuning Police Station ang pangyayari kaya’t nagsagawa ng imbestigasyon at follow -up operation ang mga tauhan ni Amoranto.

Naaresto ang suspek dahil na rin sa tulong ng mobile phone ng anak ni Espinosa na may tracking device na kasama sa natangay ng una. Nabawi mula sa suspek ang dalawang mobile phones at isang iPad mini na pawang pag-aari ni Espinosa.

Bukod sa kasong robbery, sinampahan din ng kasong paglabag sa  R.A. 11235 o  An Act Preventing and Penalizing the Use of Motorcycles in the Commission of Crimes.

Pinuri ni Torre ang PS 10 sa kanilang mabilisang aksyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at nagpasalamat kay Espinosa dahil sa pakikipagtulungan nito at tiwalang ibinigay sa mga tauhan ng QCPD sa paglutas ng krimen.

Ibinalik naman ni Espinosa ang pasasalamat at pinuri ang QCPD dahil sa mabilis na aksyon.

Para sa kaalaman ng marami, bawal po kay DD Torre ang tamad at abusadong pulis kaya’t tinanggal niya ang mga police community precinct sa kanyang nasasakupan upang hindi pamugaran ng mga tamad na pulis at walang ginawa kundi magpahinga sa airconditioned room.  Ginawa niyang pawang sa police station nakatalaga ang mga pulis at kadalasan ay nag-iikot upang madaling makaresponde sa tawag ng pangangailangan.

Madalas sa hindi, si Torre ay nag-iikot sa kanyang nasasakupan upang masiguro na ang kanyang mga pulis ay nagseserbisyo sa bayan at taumbayan lalo na sa mga residente ng QC.