Buong ahensya ‘wag kaladkarin sa alegasyon; korap na opisyal panagalanan – BOC chief

Buong ahensya ‘wag kaladkarin sa alegasyon; korap na opisyal panagalanan – BOC chief

December 15, 2021 @ 10:52 AM 9 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ni Customs Commissioner Leonardo Guererro na tukuyin o pangalanan ang mga opisyal na may ginagawang katiwalian sa loob ng Bureau of Customs (BOC) sa halip na kaladkarin ang buong pangalan ng ahensiya sa putikan.

Ito ang pahayag ni Guerrero sa ginawang pag-iimbestiga ng Senate Committee of the Whole sa umano’y malakihang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura, kung saan kinuwestiyon ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno – kabilang ang BOC at Department of Agriculture – dahil sa mga posibleng iregularidad.

“Kung meron kayong sinasabing corrupt na ano, ibigay niyo ang pangalan para makasuhan kaagad,” giit ni Guerrero.

“Eh ang dami niyong pahiwatig, wala naman kayong binibigay na pangalan,” dagdag pa ni Guerrero.

Kaugnay nito, sa ginanap na pagdinig ay iginiit ni Rqul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers Cooperatives, Inc. na ang ilang empleyado ng Customs na “nakipagtawaran” pa rin at kalaunan ay pinahintulutan ang ilang maling importer, tulad ng mga napatunayang undervalued goods.

“Pakiusap lang namin sa mga taga-Customs, ibalato nalang niyo sana itong agriculture sa mga magsasaka. Wag niyo na pong pagkakitaan ito,” ani Montemayor.

Ngunit pinabulaanan ito ni Guerrero at sinabing walang nagaganap na ganoong negosasyon.

“Walang negotiation na nangyayari dito. Anong sinasabi niyong ibalato? I take offense at your statement, Mr. Montemayor. Hindi kami gano’n.” ani Guerrero.

Hinimok naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga may reklamo na tukuyin ang mga tiwalong na empleyado upang makita kung paano ito aaksyunan ng Customs chief. JAY Reyes