Buong kompensasyon sa Gem-Ver victims natanggap na

Buong kompensasyon sa Gem-Ver victims natanggap na

June 9, 2022 @ 7:29 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Natanggap na ng mga mangingisda at may-ari ng Gem-Ver—ang bangkang nabangga at nalubog ng isang Chinese vessel sa kahabaan ng Recto Bank—ang buong kompensasyon para sa insidente.

Sinabi ng Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules na nakakuha ang mga biktima ng ipinangakong ₱6 milyong kabayaran sa insidente noong 2019.

“Full compensation has already been made,” DOJ Undersecretary Adrian Sugay sa mensahe sa mga reporter.

Ang pagbabayad ay naproseso noong Mayo 16, dagdag niya.

Wala naman nang ibang mga detalye ang ibinigay.

Naganap ang insidente noong Hunyo 9, 2019 sa paligid ng Recto Bank, na matatagpuan sa West Philippine Sea. Ang lugar ay inaangkin din ng Beijing bilang kanilang teritoryo.

Ang mga mangingisdang sakay ng Gem-Ver — na iniwang lumulutang sa dagat nang ilang oras — ay nagsabing inabandona sila ng mga tripulante ng China kasunod ng insidente.

Humingi na ng paumanhin ang may-ari ng Chinese vessel, ngunit tinawag niyang “aksidente” ang paglubog ng Gem-Ver. RNT