Bus syut sa bangin; 10 pasahero sugatan

Bus syut sa bangin; 10 pasahero sugatan

August 15, 2022 @ 10:20 AM 2 months ago


MANOLO FORTICH, Bukidnon-Nanganganib na matanggalan ng prangkisa ang Rural Tours bus ng Rural Transit Mindanao, Inc (RTMI), matapos ipatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board- Northern Mindanao (LTFRB-10 Northern Mindanao) dahil sa pagkasugat ng 10 pasahero ng mahulog ito sa bangin noong Sabado sa bayang ito.

Ayon kay LTFRB-10 Director Amenoden Guro, dakong 6:40 PM naganap ang insidente sa Syre Highway, Sitio Mangima, Tangkulan, Manolo Fortich, Bukidnon.

Lumabas sa imbestigasyon, binabaybay ng RTMI bus na may body number 2821, ang nasabing lugar ng biglang tumalon ito sa bangin.

Sa 32 na pasahero ng bus 10 sa mga ito ang dinala sa Manolo Fortich Provincial Hospital, Malaybalay Polymedic Hospital, at Pahilan Hospital para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.

Sinabi naman ng driver ng bus, galing silang Cagayan de Oro City patungong Davao City at pagdating sa pakurbadang bahagi ng nasabing lugar bigla na lamang hindi kumapit ang preno at nagtuloy-tuloy na itong nahulog sa bangin.

“This office has already sent inspectors to RTMI, Yacapin Branch to talk to its branch manager. This office is currently conducting its investigation regarding the incident to see if there are violations of the terms and conditions of their franchise,” ani pa ni Guro.

Samantala, sinabi naman ni RTMI media relations officer Celer Estologa na humihingi siya ng paumanhin sa naturang pangyayari at nagsasagawa na rin sila ng kanilang imbestigasyon para hindi na muli pang maulit ang insidente.

“All the passengers, driver and conductor are being taken care of,” pagtitiyak ni Estologa.

“We assure our beloved riding public that we are doing our utmost best in making sure that our buses are road worthy. Rest assured that the safety and comfort of our passengers are our topmost priority,” dagdag pa ni Estologa./Mary Anne Sapico