Bus terminal, mga sementeryo sa Pasay bantay-sarado ng pulisya

Bus terminal, mga sementeryo sa Pasay bantay-sarado ng pulisya

October 31, 2022 @ 12:34 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Bantay-sarado ng Pasay City police ang mga sementeryo, bus terminal at columbarium sa lungsod upang masiguro ang ligtas na paggugunita ng Undas nitong taon.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla, bukod sa pagbabantay ay mahigpit ding paiiralin ang implementasyon ng local health protocol na EMI habit (Ensure to always wash your hands, Mask is a must and Implement social distancing).

Kaugnay nito ay binisita din ni Tabernilla ang natatanging dalawang pampublikong sementeryo sa lungsod na Pasay City Public Cemetery na matatagpuan sa Sgt. Mariano at Aurora Boulevard pati na rin ang Pasay Catholic Cemetery na matatagpuan naman sa Arnaiz Avenue para ma-check ang pagtatalaga ng mga pulis, force multiplier, at emergency unit sa dalawang nabanggit na sementeryo.

Binisita din ni Tabernilla ang St. Therese Columbarium sa Newport World Resort area na matatagpuan naman sa Villamor, Pasay City.

Kasabay nito ay pinaalalahanan din ni Tabernilla ang administrador ng mga sementeryo ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols gayundin ang kapasidad ng dami ng tao na bibisita sa mga puntod ng kani-kanilang mga mahal sa buhay na napamayapa.

Matapos ang pagbisita ni Tabernilla sa mga sementeryo ay ininspeksyon naman ng hepe ng lokal na kapulisan ang mga bus terminals upang masiguro na akma ang mga itinalagang bilang ng kapulisan na makapagbibigay ng seguridad sa mga pasahero na bibiyahe patungo sa kani-kanilang destinasyong probinsya. James I. Catapusan