BUSAN WORLD EXPO 2030

BUSAN WORLD EXPO 2030

November 7, 2022 @ 1:40 AM 3 weeks ago


NASA gitna tayo ng isang malaking “hallyu”, o Korean wave.

Ito ang malaking impluwensya ng kulturang Koreano sa buong mundo.

Mula sa K-drama, K-pop, mga pagkain, pampaganda at hanggang sa mga pelikula, hindi matatawaran ang kasikatan ng maraming bagay mula sa Korea.

Malamang napasayaw ka na sa tugtog, sumubaybay sa mga tele-serye at pinangarap mo na rin na makapunta sa Gangnam o Seoul.

Kung zombie o horror fan ka naman, panigurado inulit-ulit mo ang Kingdom at Train to Busan.
Nabanggit ang siyudad ng Busan, ibinalita sa akin ng mga kasamahan ko sa Asia Journalists Association o AJA na co-organizer sila ng World EXPO 2030 Busan Forum na gaganapin sa Nov. 8, 2022.

Ang tema ng pagpupulong ay “Asian Great Transformation” o “Ang Malaking Pagbabago sa Asya”.

Ang Busan ay naghain ng aplikasyon para maging host ng World Expo sa taong 2030.

Ang Busan ay nararapat na maging host ng World Expo dahil ito ay maunlad (well-developed), angkop n­­a lugar (well-placed) at may wastong kasanayan (well-experienced).

Kumpyansa ang mga taga-Busan na handa silang gawing makabuluhan ang World Expo 2030 na tuntungan ng mga solusyon sa mga hamon na hinaharap ng mundo. Kasama na dito ang pagbangon sa pandemya, tugu-nan ang nagbabagong klima at ang “digital divide” na dala ng makabagong teknolohiya.

Balita ko nga, excited at suportado ng mahigit 90% ng populasyon at mga taga-gobyerno ng Busan ang kanilang puspusang paghahanda para maging host ng World Expo 2030.

Silang lahat ay nagkakaisa na dalhin ang sentrong tema na “Transforming Our World, Navigating Towards a Better Future”. Sa Filipino – “Pagbabago ng Ating Mundo, Pagtitimon Patungo sa Mas Magandang Kinabukasan”.

Sana nga ay matunghayan ng buong mundo ang ganda, galing at husay ng maraming bansa para sa mas magandang hinaharap.

See you all sa Busan World EXPO 2023!