Business permit ng lalabag sa 13th month pay kanselahin-Tulfo

Business permit ng lalabag sa 13th month pay kanselahin-Tulfo

October 5, 2022 @ 8:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dapat makipag-ugnayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga local government units (LGUs) para matiyak na natatanggap ng mga empleyado ang mandatoryong 13th month pay.

Iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo kay Assistant Secretary Lennard Serrano na gumawa ng kasunduan ang DOLE at LGUs na magpipilit sa mga employer o kumpanya na magpakita ng patunay ng kanilang pagbabayad ng 13th month bonus bago i-renew ang kanilang business permits.

“Balewala ang mga advisory na iyan habang hindi sila nasasaktan. Balewala sa kanila ang 13th month pay. Batas na nga iyan, hindi pa nila maipatupad. Mag isyu kayo ng warning through media,” ani Tulfo sa ginanap na joint committee hearing ng Labor, Employment at Human Resources Development; Social Justice, Welfare and Rural Development at Finance.

Sinabi ni Serrano na pinangangasiwaan ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang mga isyu sa hindi pagsunod sa batas ng 13th month pay ngunit sinabi ni Tulfo na ang DOLE ang nararapat na ahensya na makikinig sa mga reklamo.

“Ang NLRC ay pumapasok lamang kapag wala na ang empleyado sa kumpanya. Ang 13th month pay, DOLE pa ang may hawak, kaya nga I’m directing you to tie up with LGUs,” ani Tulfo.

Ang Presidential Decree 851, o ang 13th Month Pay Law, ay nagbibigay ng karapatan sa mga manggagawa, regular man o kontraktwal, sa 13th month pay.

Ang benepisyo ay dapat bayaran ng employer sa mismong araw o bago ang Disyembre 24. RNT