Business permit posibleng ‘di na naman sikatan ng araw… NLEX muling tinaningan

Business permit posibleng ‘di na naman sikatan ng araw… NLEX muling tinaningan

February 24, 2021 @ 7:30 AM 2 days ago

  •  
  •  
  •  

Valenzuela – Tinaningan ng hanggang Pebrero 26 ng Pamahalaang Lungsod  ang North Luzon Expressway (NLEX) Corp. upang tugunan ang mga reklamo ng motorista sa radio-frequency identification (RFID) system nito at iba pang kapalpakan sa serbisyo, kung hindi ay muling sususpendihin ang business permit ng korporasyon.

Sa isang post sa social media, inihayag ng Pamahalaang Lungsod na nagpatawag ng technical working group meeting si Mayor Rex Gatchalian kasama ang mga ehekutibo ng NLEX para talakayin ang mga reklamo sa RFID na nakarating sa alkalde noong nakalipas na linggo.

Sa naturang pulong ay nagbanta umano ng alkalde na kapag may reklamo pang nakarating sa kanya matapos ang ika-26 ng Pebrero ay muling sususpendihin ang business permit ng NLEX.

Napag-alamang walang ipinagbago ang reklamo ng mga motorista laban sa NLEX mula sa mga hinaing bago unang suspendihin ang permit nito ng Valenzuela City noong Disyembre ng nakalipas na taon gayong nabigyan naman umano ang korporasyon ng sapat na panahon para ayusin ang sistema at serbisyo nito.

Magugunitang Disyembre 7, 2020  ay tinuluyang suspendihin ng Valenzuela City ang business permit ng NLEX dahil sa pagsasawalang-bahala umano nito sa kapakanan, karapatan  at kaligtasan ng mga mamamayan.

Nagbunga ang suspensyon ng toll holiday sa anim na NLEX toll plazas sa lungsod, na ikinaluwag ng daloy ng trapiko.

Noong Disyembre rin ay inisyu ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang Executive Order No. 2020-338, Series of 2020 na nag-aatas ng “conditional lifting” ng suspensyon ng business permit ng NLEX sa lungsod  at pagwawakas ng toll holiday eksaktong 12:01 pm ng Disyembre 16. Merly Iral


  •  
  •  
  •