Business permit renewal pwede nang online sa P’que

Business permit renewal pwede nang online sa P’que

January 4, 2023 @ 11:50 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na tumatanggap na ang kanilang Business Permit and Licensing Office (BPLO) para sa mga online application, assessment, at pagbabayad ng business permit renewal.

Ayon kay BPLO chief lawyer Melanie Soriano-Malaya, ang online transaction ay binuo upang maiwasan ang panganib na idudulot ng COVID-19 gayundin para sa implementasyon ng number coding scheme.

Sinabi ni Malaya na ang mga nagnanais na makipagtransaksyon sa BPLO ay maaaring bumisita sa https://app.bploparanaque.com/bpls o dili kaya ay i-scan ang QR code upang malaman ang takdang araw ng kanilang renewal na nakabase sa ending ng kanilang business identification number (BIN) at ang kanilang online transaction ay para rin sa mga bagong bukas na negosyo sa lungsod.

Sinabi din ni Malaya na sinimulan nilang ipinatupad ang working schedule mula Enero 3 hanggang Pebrero 26 maliban na lamang sa idinekalrang special (non-working) holidays sa Feb. 13 bilang selebrasyon ng Parañaque City Day at sa anibersaryo ng EDSA Revolution sa darating na Pebrero 25.

Napag-alaman din kay Malaya na hindi lamang Lunes hanggang Sabado ng alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon bukas ang BPLO para sa pakikipagtransaksyon ng business permit kundi pati na rin sa araw ng Linggo ay maaaring makapag-renew ang mga business establishment ng mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 12:00 lamang ng tanghali.

Pinayuhan din ni Malaya ang mga may-ari ng negosyo na pinipili ang onsite renewal na maaari rin silang mag-book ng appointment sa app.bploparanaque.com/appointment at ang mga mayroon lamang na kumpirmadong schedule appointment ang papayagan na makipagtransaksyon sa BPLO lounge.

Pinapayagan din naman ng BPLO ang limitadong walk-in slots na may sistemang a first come, first served basis ngunit depende pa rin ito sa dami ng tao na naaangkop lamang sa kapasidad ng lounge habang sa mga aplikante naman na magre-renew ng mahigit 10 permits ay papayagan lamang din sa pamamagitan ng paggamit ng dropbox.

Para naman sa mga aplikasyon ng occupational o working permit kung saan kabilang na dito ang pagkuha ng health at work permit pati na rin ang police clearance ay inilipat na ito ng BPLO sa Service Center na matatagpuan sa 4th floor IT Zone ng of Ayala Malls Manila Bay upang mabawasan ang pagkumpol ng tao na makikipagtransaksyon sa City Hall.

Pinayuhan din ni Malaya ang mga aplikante na may katanungan ay bumisita lamang ang mga ito sa BPLO occupational division sa pamamagitan ng email sa occupational [email protected]. (James I. Catapusan)