BUSINESS REGISTRATION NG FOREIGN FIRMS BILISAN

BUSINESS REGISTRATION NG FOREIGN FIRMS BILISAN

February 15, 2023 @ 12:46 PM 1 month ago


AMINADO si Trade Secretary Alfredo Pascual na mabagal ang proseso nang pagpaparehistro ng negosyo ng mga pumapasok na mga dayuhang kompanya sa bansa na balakid naman sa tuluyang pag-angat nito sa usapin ng ekonomiya.

Ibig sabihin,kapag makupad pa rin ang galaw ng mga ahensyang nakatuon sa business registration ng dayuhang investors dito, balewala ang kaliwa’t kanang pakikipagpulong ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga higanteng kompanyang interesadong magnegosyo sa bansa.

Kagaya nitong pag-bisita ni PBBM sa Japan kung saan 30 na mga dambuhalang kompanya ang nais pasukin ang pagnenegosyo sa ‘Pinas sa larangan ng clean energy,manufacturing at infrastructure na aabot ng 10 bilyong dolyares at inaasahang magbibigay naman ng trabaho sa libo-libong manggagawa at hahakot ng bilyones na buwis sa ating gobyerno.

Ito lang naman ang tanging paraan upang unti-unting makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa hagupit ng pandemyang sadyang nagdulot ng pagiging bangkarote ng pamahalaan bunsod sa taob ang kaban ng bayan dulot ng malaking gastos nito sa pamimigay ng ayuda sa nakararaming kababayang nawalan ng trabaho at hanap-buhay.

Kahit ano pang batikos ng iilan kaugnay sa foreign trips ni Pangulong Marcos, humahakot ito ng malalaking negosyo ritong maliwanag pa sa sikat ng araw na pakikinabangan ng bansa.

Kaya lang kailangan din na maipatupad na ang “Green Lane” ayon kay Secretary Pascual na magtutuldok naman sa usad pagong na pag-poproseso ng mga dokumento ng dayuhang kompanyang dadagsa sa bansa.

Layunin ng makabagong sistema na tatlo hanggang dalawampung araw na lang ang processing ng business registration ng foreign firms na pinaniniwalaan naman ni PBBM na magtutuldok sa agam-agam ng mga dayuhan hinggil sa interes nilang pumasok sa bansa.

Subalit ewan ko lang kung tuluyan na itong maipatutupad dahil hindi nga naisasaayos ang napakabagal ng pagpoproseso ng business registration ng mga lokal na kompanya sa ilang local government units kung saan inaabot ng siyam-siyam.

Halos mapaos na lang ang dating Pangulong si Tatay Digong sa panawagan sa mga lokal na pamahalaan na pabilisin ang makupad na sistemang ito ngunit wala pa ring pagbabago.