Business regulation sa bansa, handang baguhin ni PBBM sa investors

Business regulation sa bansa, handang baguhin ni PBBM sa investors

September 29, 2022 @ 4:01 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakahanda si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na baguhin ang ilang regulasyong ipinatutupad hinggil sa pagnenegosyo para sa kapakanan ng mga mamumuhunan.

Ito ang inihayag ni Pangulong Marcos sa gitna ng panghihikayat sa mga investors na mamuhunan sa Pilipinas.

Tiniyak ng Punong Ehekutibo na handang padaliin ng Pilipinas ang pagpo-proseso sa mga rekisitos na itinatakda sa pagnenegosyo sa bansa katulad ng documentation at Ilang pang dapat gawin.

Kabilang na rin aniya ang istraktura at maging sa aspeto ng lehislatura ay nakahanda ang gobyerno na magsagawa ng pagbabago para sa kapakanan ng mga negosyanteng gustong mag-invest sa bansa.

Batid naman niya ang pangangailangan ng mga potential investors at gagawin aniya ng pamahalaan ang lahat ng magagawa nito para sa posibleng pakikipagtulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).

“The simple message that underlay all that we did was that the Philippines is here, we are a good place to invest, we are probably the most vibrant economy in Southeast Asia,” ayon sa Pangulo.

“And we understand the requirements and the needs of our potential investors, and we will do everything so that that partnership becomes to the advantage of both the private sector, the public sector, to the people,” wika pa nito. Kris Jose