Buwanang financial assistance sa P’que studes, ipagpapatuloy

Buwanang financial assistance sa P’que studes, ipagpapatuloy

June 3, 2022 @ 11:36 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinangako ni Paranaque Mayor-elect Eric Olivarez na kanyang ipagpapatuloy ang pamamahagi ng buwanang allowance ng mga estudyante na nag-aaral sa elementarya at sekondarya sa lungsod sa darating na school year 2022-23.

Ito ang napag-alaman kay Olivarez makaraang bigyan niya ng katiyakan na ang kasalukuyang nagaganap na distribusyon ng college educational financial assistance na naging matagumpay na programang naipatutupad hanggang sa kasalukuyan ng kanyang nakatatandang kapatid at bagong halal na 1st District Rep. Edwin Olivarez sa loob ng anim na taon ay kanyang ipagpapatuloy.

“Under my administration, we will continue this program to fully assist all students in Parañaque City,” (Sa ilalim ng aking administrasyon, aming ipagpapatuloy ang programang ito upang matulungan ang lahat ng estudyante sa Parañaque City) ani Olivarez na isang propesor ng graduate school education sa De La Salle University, Manila.

Ayon kay Olivarez, ang mga estudyanteng nasa elementarya at sekondarya ay mapagkakalooban ngayong buwan ng Hunyo ng P500 monthly financial assistance na kanilang matatanggap sa pamamagitan ng automated teller machines (ATMs) para sa school year 2022-23.

Kabilang sa ilalim ng “special allowance” program ang mga estudyanteng mula Grade 1 hanggang Grade 6 gayundin ang mga estudyante ng junior hanggang senior high school na nag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan na nasasakupan ng lungsod pati na rin ang mga kasama sa listahan ng Department of Education (DepEd) roster.

Sinabi ni Olivarez, na siyang namamahala ng Olivarez College sa Paranaque at Laguna na mag-aari ng pamilya, na ipagpapatuloy din ng kanyang administrasyon ang pagtugon sa pangangailangan ng mga estudyante na nag-aaral sa buong lungsod.

Ipinangako din ni Olivarez na magdadagdag pa din ang lokal na pamahalaan ng mga college scholars na naka-enrol sa pribado at pampublikong kolehiyo at unibersidad sa loob ng unang tatlong taon ng kanyang pagseserbisyo publiko bilang alkalde ng lungsod.

Dagdag pa ni Olivarez, kanyang ipatutupad ang mga bagong programang pang-edukasyon upang matulungan ang lahat ng estudyanteng nasa kolehiyo lalo pa sa panahon ngayon kung saan nagtataasan ang matrikula sa mga pribadong eskwelahan. James I. Catapusan