Buwanang pensyon sa solo parent, PWD sinimulan na sa Maynila

Buwanang pensyon sa solo parent, PWD sinimulan na sa Maynila

December 5, 2022 @ 7:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinimulan ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang pamamahagi ang P500 buwanang allowance ng mga solo parents at persons with disability (PWDs) ngayong araw ng Lunes, Disyembre 5, 2022.

Nabatid kay MDSW Director Ma. Asuncion “Re” Fugoso na nasa kabuuang 29,449 na mga PWDs ang inaasahang tatanggap ng tig-P2,500 para sa kanilang limang buwan allowance habang 15,870 namang mga solo parents ang tatanggap ng tig-P3,000 para naman sa anim na buwang allowance.

Batay sa datos na ibinahagi ni Director Fugoso, aabot sa halagang P19,746,000.00 ang ipamamahagi ng MDSW sa 6,615 PWDs mula sa District 1; P12,739,000.00 para sa 4,273 PWDs sa District 2; P9,879.500 para sa 3,339 mula sa District 3; P14,611,500 para sa 4,912 mula sa District 4; P17,346,500.00 sa may 5,792 PWDs sa District 5; P12,632,500.00 para sa 4,302 PWDs sa District 6; P6,578,000.00 sa 207 mula sa Baseco, Tondo habang P38,000.00 ay inilaan naman sa siyam na PWDs na naiwang hindi nakatanggap para sa kabuuang inilaang pondo na P87,562,500.00.

Idinugtong pa ni Director Fugoso aabot sa kabuuang P53,490,500.00 ang ipamamahagi 3,448 solo parents mula sa District 1; P6,127,500.00 para sa 1,925 mula sa District 2; P4.710,500.00 para sa 1,381 mula sa District 3; P9,593,500.00 para sa 2,912 mula sa District 4; P9,101,000.00 para sa 2,704 mula sa District 5; P11,103,000.00 para sa 3,092 sa District 6; at P1,258,500 para naman sa 408 solo parents na naninirahan sa Baseco.

Kaugnay nito, nabatid naman kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at hepe ng Mayor’s Communication Office, na ang buwanang pensiyon ng mga senior citizen ay sinimulan na ring ipamahagi ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) sa ilang distrito sa lungsod na kumakatawan sa buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre.

Ang P500 buwanang allowance ng mga senior citizen ay ipinamamahagi ng tatlong beses sa isang taon o kada-apat na buwan sa bawa’t distrito ng Lungsod ng Maynila. JAY Reyes