Buwayang MTPB enforcer sibak sa kotong!

Buwayang MTPB enforcer sibak sa kotong!

September 28, 2022 @ 8:57 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinibak na ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang isa sa kanilang traffic enforcer na nag-viral sa social media na nakuhanan ng video habang nangongotong sa sinitang motorista sa lungsod ng Maynila.

Batay sa nilagdaang memorandum ni MTPB Officer in Charge Zenaida Viaje, binabaan ng termination of service ang traffic enforcer na kinilalang si Jason Dimatawaran matapos nitong makagawa ng iregularidad sa kanyang trabaho.

Inatasan din ni Viaje si Dimatawaran na ibalik ang inisyu sa kanyang Ordinance Violation Receipt (OVR), I.D. at uniporme kay MTPB Chief of Operation Mr. Wilson Chan.

Ang pagkakasibak kay Dimatawaran ay may kaugnayan sa viral video na nai-post online ni VISOR na may link na https://fb.watch/fKFefaG2OI/.

Batay sa viral video, sinita umano ng nasabing traffic enforcer ang isang motorista makaraang mag-beating the red light sa bahagi ng Dimasalang Street sa lungsod ng Maynila.

Tanggap naman umano ng motorista na matiketan dahil sa nasabing paglabag ngunit bigla umanong sinabi ng traffic enforcer na iimpound ang kanilang sasakyan dahil malabo ang kanilang kopya ng OR/CR. Mapapakiusapan naman daw umano ang nasabing traffic enforcer sa halagang P5,000 para hindi na maimpound ang sasakyan at hindi na maaabala pa dahil aattend pa ito ng seminar.

Dito na nakiusap ang drayber hanggang matawaran ito ng P2,000 kung saan nakita sa nasabing video ang paghulog ng pera sa helmet ng traffic enforcer.

Kaugnay nito, muli namang pinaalalahanan ni Chan ang mga traffic enforcer na mahigpit nilang ipinatutupad ang “one strike policy” laban sa mga tiwaling tauhan ng MTPB. JAY Reyes