Buwis sa mga bilyonaryo ipinanawagan

Buwis sa mga bilyonaryo ipinanawagan

September 23, 2022 @ 5:45 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Muling ipinanawagan ng mga militanteng grupo na baguhin ang sistema ng pagbubuwis sa bansa at magpatupad ng wealth tax o pagbubuwis sa mga bilyonaryo.

Sa pamamagitan ng isang kilos protesta ay nagtungo ang mga ito sa Department of Finance office sa Maynila dala ang mga placard.

Ito umano ang solusyon na kanilang nakikita sa mataas na presyo ng bilihin at petrolyo na dahilan upang lalong maghirap ang ordinaryong mga mamamayan.

Suhestyon ng mga grupo, sa halip na value added tax na sinasalo ng mga mahihirap, magkaroon na lamang ng tinatawag na wealth tax.

“Ang pera nasa kamay ng mga bilyonaryo ng mga malalaking negosyante kaya dapat sila naman ang tawagan para magbayad ng buwis. Ipatupad ‘yung panawagan naming wealth tax ‘yun ang paraan para magkaroon ng pondo ang gobyerno para gastusin sa pangangailangan niya sa pagpapatakbo ng ating pamahalaan,” sinabi ni Leody de Guzman, chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

Nagbigay naman ng pagkakataon ang DOF na makipagdayalogo sa mga dumalo sa kilos protesta at nabigyan ng mahigit 40 minuto para rito.

“‘Yung ating kahilingan ay naaayon sa konstitusyon kaya doon nai-deliver namin ‘yung aming kahilingan na dapat ang ita-tax ‘yung mayayaman
sa anyo ng wealth tax at alisin ‘yung VAT,” dagdag ni Ka Leody.

Pagtatapos ni De Guzman, magkakaroon pa ng kasunod na dayalogo ang pag-uusap ng militanteng grupo at DOF upang mailatag ng mas malinaw ang kanilang panawagan sa ahensya. RNT/JGC