Buy1-Take1 Derby sa Roligon 5-Cock Derby itinakda

Buy1-Take1 Derby sa Roligon 5-Cock Derby itinakda

August 22, 2022 @ 11:37 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kahit  sa kasalukuyan ay nasa kalagitnaan pa ng stag season ang labanan sa larangan ng sabong sa buong bansa, nakahanda na ang Roligon Mega Cockpit sa pagsalubong sa inaasahan mas masiglang parating na cock season.

Para sa 2022-2023 cock season opener ng makasaysayang sabungan sa Parañaque City, iniimbitahan ang lahat ng mananabong sa “Buy-1-Take1 sa Roligon” 5-Cock Derby na may garantisadong premyo na P4,000,000 para sa maliit na entry fee na P4,400 at pinakamababang pusta na P4,400 lamang.

“Ang kakaiba sa derby na ito ay kapag sumali ka at magbayad ka ng entry fee na P4,400, pwede ka pang magpasok ng isa pang entry na libre na ang entry fee basta pareho ang entry name na gagamitin. Kaya Buy1-Take1, bayad-isa, libre-isa”, pahayag ni Ka Lando Luzong na siyang host ng nasabing pasabong kasama si Shirley Acson.

May sampung 2-cock eliminations ang Buy1-Take1 5-Cocker na nakatakda sa Oktubre 31; Nobyembre 3, 7, 10, 14, 17, 19, 21, 24 at Disyembre 1, kung saan may nakatayang Day Champion Prize na P75,000 bawat araw.

Ang mga lalaban sa eliminasyon ay kailangan makapagtala ng dalawang panalo upang makapasok sa finals.

Ang 3-cock championship Part 1 (lahat ng 2-pointers mula sa 1st, 2nd, 3rd & 4th elims) ay sa Disyembre 5 (Lunes); ang 3-cock championship Part 2 (lahat ng 2-pointers mula sa 5th, 6th & 7th elims) ay sa Disyembre 12 (Lunes), samantalang ang 3-cock championship Part 3 (lahat ng 2-pointers mula sa 8th, 9th & 10th elims) ay sa Disyembre 15.
Lahat ng sasali sa unang araw ng eliminasyon sa Oktubre 31 ay kalahati lamang ang babayaran na entry fee. P2,200 lamang sa halip na P4,400 para sa dalawang entry basta pareho lamang ang entry names tulad halimbawa ng Born to Win – 1 at Born to Win – 2.

Ang champion’s prize ay P2,500,000; total day champion’s prize ay P750,000; any 4 points prize ay P500,000 samantalang ang handler’s prize at gaffer’s prize ay P100,000 at P50,000 para sa kabuuan premyo na P4,000,000.

Inaasistihan ni Dennis Ligon ng Tropang Roligon, ang Buy1-Take1 derby ay sa pakikipagtulungan ng Thunderbird Power Feeds.
Ang mga interesadong lumahok ay mangyaring magpalista na sa Roligon Mega Cockpit : 0920-9509090; 0926-7134069; 0917-3246199.RICO NAVARRO