Byahe ng maliliit na sasakyang pandagat sa Batangas suspendido

Byahe ng maliliit na sasakyang pandagat sa Batangas suspendido

December 23, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang byahe ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa Batangas dahil sa malalaking alon.

Sa PCG advisory, binanggit sa 5 a.m. forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang malakas na hangin at maalon na kondisyon ng dagat.

Nangangahulugan ito na ang lahat ng mga biyahe ng maliliit na sasakyang-dagat na may 250 gross tonnages o mas mababa, tulad ng mga de-motor na pasahero o mga bangkang pangisda, ay kinansela sa Batangas port.

Ang forecast ng PAGASA ay nakataas sa western seaboards ng Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro kasama ang Lubang Island, Palawan kabilang ang Calamian, Cuyo, at Kalayaan Islands.

Ayon sa PCG-Batangas, aalisin ang suspension order at sea travel sa malilit na sasakyang pandagat kung maglabas ng abiso ang PAGASA na maaari nang maglayag ang mga bangka.

Noong Disyembre 18, ibinaba rin ng PCG-Batangas ang biyahe sa lahat ng maliliit na sasakyang pandagat dahil sa masamang panahon.

Ang paglalakbay para sa lahat ng maliliit na sasakyang pandagat sa Batangas ay ibinalik lamang nitong Disyembre 20. Jocelyn Tabangcura-Domenden