Byahe ng PNR, libreng sakay sa LRT2 suspendido sa bagyong Paeng

Byahe ng PNR, libreng sakay sa LRT2 suspendido sa bagyong Paeng

October 29, 2022 @ 2:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nag-anunsyo na ng pansamantalang kanselasyon sa mga byahe ngayong araw, Oktubre 29 ang Philippine National Railways (PNR) bilang pag-iingat sa epekto ng Severe Tropical Storm Paeng.

Kasabay nito, nag-anunsyo rin ang Light Rail Transit – Line 2 (LRT2) ng kanselasyon sa libreng sakay para sa mga estudyante.

Ang kanselasyon sa mga byahe ng PNR ay nagsimula kaninang alas-9 ng umaga samantala ang pansamantalang suspensyon ng libreng sakay sa mga estudyante ay inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) simula alas-10 ng umaga dahil sa wala rin namang pasok sa eskwelahan.

Sa kasalukuyan ay nananatili sa Signal No. 3 ang Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil sa bagyong Paeng. RNT/JGC