Byudo pinagsasaksak, tigbak

Byudo pinagsasaksak, tigbak

June 25, 2018 @ 4:42 PM 4 years ago


 

Malabon City – Dedbol ang isang byudo matapos pagsasaksakin ng kapitbahay na 30-anyos na ginang na tinangka umano nitong halayin Linggo ng gabi.

Dead on arrival sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa tiyan at kanang kamay si Telmo Lope, 54, ng Flovi Homes 7, Brgy. Tonsuya.

Naaresto naman si Amorlina Olivar, 30 ng Flovi Homes 7, Phase 6, ng mga tauhan ni Insp.Rolando Domingo, head ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 8 sa follow-up operation kahapon ng umaga sa Phase 1 Paradise, Letre.

Ayon kay Malabon police chief Sr. Supt. Harry Espela, nasa impluwensya ng alak ang biktima nang pumasok umano ito sa bahay ng babae dakong alas-7 ng gabi at tinangka umanong halayin ang ginang na nagawang makakuha ng patalim at dalawang beses na inundayan ng saksak sa tiyan at kamay ang kapitbahay.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima ng kanyang mga kaanak sa TMC hospital.

Samantala, sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Pacita Lope kay homicide investigator PO3 Julius Mabasa, dumaan ang suspek na may sakit umano sa pag-iisip at bigla na lamang sinaksak ang kanyang kapatid na nasa tapat ng kanilang bahay.

Sinabi naman sa pulisya ng ama ng suspek na si Hagibis Opqueria, 65, nagkasakit sa pag-iisip ang kanyang anak matapos iwanan ng kanyang mister at kanilang dalawang anak subalit, iginiit nito na tinangka umano itong pagsamantalahan ng biktima.

“Nangyari nga raw ang pananaksak sa loob mismo ng bahay ng babae at nakalabas lang ang biktima kahit may tama na ng saksak,” ayon kay  Insp. Domingo. (Roger Panizal)