CA: Cyberlibel charges pwedeng ikasa ‘gang 15 taon

CA: Cyberlibel charges pwedeng ikasa ‘gang 15 taon

July 13, 2022 @ 10:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pwedeng magsampa ng kasong may kaugnayan sa cyberlibel hanggang 15 taon matapos mailathala ang artikulo, batay sa desisyon ng Court of Appeals sa pagpapatibay ng conviction ni Rappler chief executive officer Maria Ressa at dating Rappler researcher Rey Santos Jr.

Sa 41-page decision, sinabi ng Fourth Division na itinaas ng Cybercrime Law ang penalty ng online libel ng isang degree.

“In contrast, the Cybercrime Law increased the penalty of libel, qualified by the use of information and communication technologies, by one degree making the crime punishable by prision correctional in maximum period… to prison mayor in its minimum period,” ayon sa korte.

“Considering the increase of penalty by one degree pursuant to Section 6 of the Cybercrime Law, the penalty for cyberlibel becomes afflictive and shall prescribe in 15 years, following Articles 25 and 90 of the Revised Penal Code,” dagdag nito.

Inihayag ng Manila Regional Trial Court na humatol ng guilty kina Ressa at Santos sa kasong cyberlibel noong 2020 na ang prescriptive period para sa cyber libel ay 12 taon.

Nauna na ring inilahad ng Department of Justice na ang prescriptive period ay 12 taon dahil ang Cybercrime Prevention Act ay isang special law at sa ilalim ng Act No. 3326, na namamahala sa prescription period  ng mga offense sa special laws.

Nitong nakaraang linggo, ibinasura ng CA ang apela ni Ressa at sinintensyahan sila ni Santos ng pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang anim na taon, walong buwan, at 20 araw.

Sinabi ng Rappler na rerebyuhin nito ang desisyon at iginiit na sina Ressa at Santos “would avail of all legal remedies available to them, including elevating the decision to the Supreme Court for review.” RNT/SA